Ang mga Hamon na Kinakaharap ng Bawat Mag-aaral sa Edukasyon


Ang edukasyon ay isa sa pinakamahalagang kinakailangan ng isang bansa. Sa pamamagitan nito, natututo tayo sa mga kaalaman at kasanayan na kailangan upang makamit ang magandang hinahangad na kinabukasan. Ngunit sa kasalukuyan, maraming isyu ang kinakaharap ng Pilipinas lalo na kung usapang edukasyon. Isa na rito ang patuloy na pagbaba ng kaalaman sa pagkatuto ng mga mag-aaral at mas lalong lumala noong nagkaroon ng pandemya at nakatuon na lang sa Online Leaning. Sa edukasyon, nagkakaroon rin dito ng sapat na kaalaman at kakayahan ang mga bata upang maging kapaki-pakinabang na mamamayan. Ngunit sa panahon ngayon, maraming hamon ang kinakaharap ng mga batang mag-aaral na maaaring maging apekto ng kanilang kinabukasan.


Simula noong naipatupad ang online classes at modular learning nung nagkaroon ng pandemya, marami sa mga estudyante ang nahirapang makasabay sa pagkakatuto. Marami ang walang gadgets, maayos na signal o internet, at iba pang mga kagamitan na para sa pag-aaral. Dahil dito, karamihan sa mga kabataan ay naiwan at nahirapang bumalik sa mga naituro na lectures. Hanggang ngayon, nararanasan pa rin ang epekto nito sa kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa, pagsulat, at pag-intindi.


Bukod sa problema sa teknolohiya, nananatili rin na hamon ang kakulangan sa pasilidad at mga guro. May mga paaralan na sira-sira ang silid-aralan at kulang ang gamit sa pag-aaral. Sa isang klase, minsan ay sobra-sobra ang bilang ng estudyante dahil sa kakulangan ng silid-aralan kung kaya ay hindi natututukan ng maayos ang bawat estudyante. Dahil dito, bumababa ang kalidad ng edukasyon at naaapektuhan ang kinabukasan ng mga mag-aaral.


Mahalaga na bigyang pansin ng pamahalaan at ng buong lipunan ang mga problemang ito. Ang kinabukasan ng mga batang mag-aaral ay nakasalalay hindi lamang sa paaralan, kundi sa pagtutulungan ng lahat—pamilya, guro, pamahalaan, at buong lipunan. Kapag napabuti ang kalidad ng edukasyon at nabigyan ng pantay na pagkakataon ang bawat bata, mas magiging madali para sa kanilang mga sarili kung napapag-aralan nila ng mabuti ang isang bagay. Dapat pagtuunan nila ng pansin na ayusin ang mga pasilidad, at suportahan ang mga guro at mag-aaral. Mas magiging handa ang kabataan na makamit ang kanilang pangarap at makapag-ambag sa pag-unlad ng bansa. Sa huli, ang edukasyon ay hindi lamang para sa indibidwal na tagumpay, kundi para sa ikabubuti ng bawat Pilipino.

Comments